Tuesday, November 8, 2011

Madaling araw...

Madaling araw nagising ako, madilim, kinapa ko ang aking cellphone para tignan ang oras, alas-dos, may narinig akong kaluskos, naalala ko mag-isa ako, umuwi ng probinsya ang mga magulang at mga kapatid ko. 

Kung di panaman ba ganitong oras! Kinilabutan ako, sa ganitong oras nga pala lumalabas ang mga maligno at nagaganap ang mga kahindik-hindik na pangyayari. Ika nga ng iba, ito'y oras ng katatakutan!

Nagsimulang maglaro ang aking isipan at kung anu-anung nakakatakot ang aking naiisip dala ng panonood ng mga Horror Films at pakikinig ng mga kwentong kababalaghan. 


Tumayo ang aking mga balahibo sa narinig pang muling kaluskos at tila may kumalabit o dumapo sa akin, kinapa ko ang aking kumot at dali-dali akong nagtalukbong. Nakaramdam ako ng kakaibang lamig at nanginig ako sa takot.



Pumikit ako at pinilit na matulog muli, paulit ulit kong sinasambit sa sarili: "Matutulog na ako, hindi ako dapat na matakot. Wala lang yun, matutulog na ako".

Ngunit parang may kung anung ayaw magpatulog sakin at pilit na sinisiksik sa aking isipan ang mga nakakatakot na bagay.

Katulad na lang ng multo, aswang, manananggal, si Chuckie, si Chaka Doll, at mga Zombies!!! Naisip ko din na baka may putol na kamay na hihilahin ang aking kumot o kaya naman may katabi  pala akong bangkay!

Pero mas nakakatakot isipin kung may tatawag o may kakausap sa akin.

Tinakpan ko ang aking mga tenga at naiyak na ako sa takot. Naisip kong sana nandito na lang sina Mama, o kahit na ang makulit kong kapatid na si Butchik na parati akong inaasar. Titiisin ko na ang kanyang sobrang panunukso na talaga namang nakakapikon at nakakagalit basta lang sa sandaling ito kahit siya man lang ay narito kahit asarin pa niya ako ng todo-todo basta may makasama lang ako.

Eh kaso....

.
.
.

Wala.......  Ako'y nag-iisa....

Pinilit kong kumalma at paulit-ulit kong sinasabi "Hindi ako takot, matapang ako."

Ako'y nagdasal at lahat na yata ng mga santo ay napakiusapan ko na na tulungan ako.

Tila ba ang haba ng oras lalo tuloy tumitindi ang aking kaba, kailan ba mag-uumaga? Naubos na ang aking luha sa kakaiyak at namaos na rin aking boses sa takot kapag may naririnig akong kalabog o kaluskos o kapag may nararamdaman akong may humahawak at bumubulong sa akin.

Alam ko namang tinatakot ko lang ang sarili ko, pero bakit ganun, parang totoong totoo? At ramdam na ramdam ko ang kilabot sa kuwarto ko. Para na akong mababaliw sa kaiisip!

Biglang nag-ring ang phone ko! Sasagutin ko sana ngunit wala namang nakatalang pangalan at napatingin pa ako sa oras. Alas-tres na pala! Kaya naman lalo akong kinilabutan. Naalala ko yung  palabas na Paranormal Activity. Sa takot ay in-off ko ang phone.

Grabe naman isang oras pa ang hihintayin ko! Dahil alam ko kapag alas-kuwatro na, Safe Hour na.

Hindi ko na alam ang aking gagawin. Para na akong nanigas sa aking pagkakahiga.

Lumipas pa ang mahabang sandali. Maya-maya'y nakarinig ako ng mahinang pagaspas ng pakpak sa may ulunan ko at bigla itong huminto. Naramdaman kong may nakasayad sa aking noo

Napabalikwas ako't biglang itsa ng kumot at patakbong kinapa ang switch sabay sindi ng ilaw!

Habang nakatayo ay nakikiramdam pa rin ako. Pero nabawasan na ang takot ko.

Ngunit biglang may kung anung dumapo sa ulo ko at ako'y nagtatalon at nagpaspas ng kamay na waring may binubugaw na kung anu sa ulunan ko habang nagsisigaw.



.
.
.
.
.
.
.
.
.
.


Ampf! Lumilipad lang palang ipis!

"Buwist kang ipis ka! Ikaw lang pala! Tinakot mo pa ko!"

Haha natawa na lang ako.

Bumalik na ako sa higaan na nangingiti at natulog ng muli. 



No comments:

Post a Comment

Page copy protected against web site content infringement by Copyscape